
Ipagtitibay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga patakaran sa ngayo’y defunded na Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa ilalim ng mga alituntunin, ipagbabawal ang presensya ng mga opisyal ng gobyerno habang isinasagawa ang payouts at pamamahagi ng financial assistance, partikular sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang patakaran ay nakabatay sa Joint Memorandum Circular No. 2025-01 na inisyu ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Bukod dito, ipinagbabawal din ang pamimigay ng leaflets, gayundin ang paglalagay ng posters at banners na nag-uugnay sa programa sa sinumang political personality.
Binigyang-diin ni Gatchalian na matagal nang bahagi ng polisiya ng ahensya ang mga restriksiyong ito, lalo na sa mga programang nagbibigay ng direct cash aid sa mga benepisyaryo.
Dagdag pa ng kalihim, magsisilbi ring karagdagang linya ng depensa ang mga social worker na nagpapatupad ng social case management at payouts laban sa mga indibidwal na ginagamit ang mga programa ng gobyerno para sa personal o political gain.
Nilinaw naman ni Gatchalian na hindi na kinakailangan ng referral upang ma-access ang mga programa at serbisyo ng kagawaran, at tiniyak na patuloy silang magbibigay ng tulong sa lahat ng nangangailangan at nakararanas ng krisis.









