DSWD, ipinaliwanag kung bakit hindi pa rin tapos ang pamamahagi ng SAP 2

Ipinaliwanag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung bakit hindi pa rin natatapos ang distribusyon sa pamamagitan ng digital payout sa ilalim ng ikalawang tranche ng emergency cash subsidy sa ilalim Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, ang apat na partner-financial service providers sa National Capital Region (NCR) ay nakapagtala ng 853,000 cases ng “failed transactions.”

Karamihan sa mga ito ay mula sa GCash na nasa 660,000, kasunod ang PayMaya na nasa 111,000.


Ang UnionBank ay nakapagtala ng 60,000 failed transactions habang 20,000 naman sa Robinson’s Bank.

Aniya, hindi magkatugma ang mga pangalan ng benepisyaryo na inilagay sa mobile wallet registration at sa payroll.

Nagkaroon din ng duplication ng mobile numbers habang ang ilan ay bigong makapagbigay ng kanilang cellphone numbers.

Mahigpit na nakikipagtulungan ang DSWD sa financial service providers at local government units para itama ang mga impormasyong kailangan para agad maipamahagi ang ayuda sa mga benepisyaryo.

Kapag naiwasto na ang personal information ng SAP Beneficiaries ay agad na muling maipoproseso ang kanilang transactional accounts.

Mula nitong September 16, nasa 13,857,845 beneficiaries na ang nakatanggap ng SAP 2.

Aabot naman sa ₱82.7 billion na halaga ng SAP subsidy ang na-disburse.

Facebook Comments