Isinasapinal na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga detalye hinggil sa nakatakdang pamamahagi ng ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na abutan ng tulong ang mga low income families na apektado ng hindi maawat na pagsirit ng presyo ng langis.
Ayon kay DSWD Director Irene Dumlao, aabot sa 12.4 million households ang inaasahang mabibigyan ng subsidiya kabilang ang mga sumusunod:
4 milyong benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps
6 milyong non-4Ps beneficiaries o iyong mga naging benepisyaryo ng unconditional cash transfer (UCT) noong 2018 hanggang 2020 na layong maibsan ang epekto ng pagpapatupad ng TRAIN Law
2.4 milyon na nasa database ng “Listahanan” –– ang ginagawang basehan sa kung sino ang magiging benepisyaryo ng iba’t ibang social protection program at services ng ahensya
Paliwanag ni Dumlao, bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng P500 monthly subsidy na iiral sa loob ng anim na buwan.
Target na masimulan ang pamamahagi nito bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30.