Itinutulak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbukas ng livelihood program para sa mga vendor at maliliit na tindahang naapektuhan ang kita dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ang tugon ng ahensya sa agam-agam ng ilang senador sa ₱10 bilyong pondo na hindi nagamit para sa Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Undersecretary Restituto Macuto, hinihintay na lang nila na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaan ng pondo sa proyekto.
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng ₱15,000 cash grant ang mga maliliit na negosyong pinadapa ng pandemya.
Lumabas sa pagdinig sa Senado na ₱83.1 billion sa ₱94.5 billion na nakalaan sa ikalawang bugso ng SAP ang hindi nagamit sa pamimigay ng emergency cash subsidy.
Paliwanag naman ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag, aabot lang sa 14 milyong pamilya ang nakalagay sa listahan na ibinigay ng mga lokal na pamahalaan sa kanila habang nasa 18 milyon ang nakinabang sa first tranche ng SAP.
Lumabas din umano sa kanilang pagsusuri na doble ang nakuhang SAP ng ilang benepisyaryo kaya nabawasan ang mga benepisyaryo sa ikalawang batch ng SAP distribution.
Nangako rin ang DSWD na mahahatiran ng tulong ang mga magsasaka at mangingisda, at matustusan ang feeding program sa mga bata.