Itinanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang alegasyon ni Senador Manny Pacquiao na mayroong nawawalang P10.4 billion na pondo sa gitna ng implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP).
Kasama ang DSWD sa mga ahensya ng gobyerno na tinukoy na korap ng senador gayundin ang Department of Health at Department of Energy.
Giit ni Pacquiao, dahil sa nawawalang pondo, nasa 1.3 million beneficiaries ang hindi nakakuha ng ayuda habang kinuwestiyon din niya ang paggamit ng DWSD sa Starpay.
Sabi naman ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, handa nilang harapin ang anumang imbestigasyon ukol sa alegasyon ni Pacquiao.
Paglilinaw ni Dumlao, Abril pa nang putulin ng ahensya ang ugnayan nito sa lahat ng financial service providers (FSPs) na nakatuwang nito sa pamamahagi ng SAP at manu-manong ibinigay ang natitirang pondo sa mga benepisyaryong nakaranas ng technical issues sa pagkuha ng kanilang ayuda.
Dagdag pa niya, ang Starpay kasama ang iba pang FSPs gaya ng Gcash, Paymaya, Robinsons Bank, Unionbank at RCBC ay pinili sa pamamagitan ng central bank.
Una nang inakusahang korap ni Pacquiao ang DOH.
Noong nakaraang linggo, binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palalabasin niyang sinungaling si Pacquiao kung mabigo itong patunayan na tatlong beses na mas korap ang gobyerno ngayon kumpara sa mga nagdaang administrasyon.