Cauayan City – Opisyal nang ipinasa ng DSWD Field Office 02 ang tatlong natapos na bagong farm-to-market road subprojects sa Bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Kabilang sa mga proyekto ang 231 meters na kalsada sa Barangay Alloy,347.5 meters na kalsada mula Upper Mangkatad Purok 1 hanggang Upper Balangubong Watwat sa Barangay Poblacion, at 445.5 meters naman sa kalsada sa Barangay Watwat.
Ang mga proyektong ito, na may kabuuang halaga na Php 17,021,825.63, ay naisakatuparan sa tulong ng Php 15 milyon na pondo mula sa KALAHI-CIDSS Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay, Php 1,882,025.63 in-kind mula sa Municipal LGU, at Php 139,800.00 mula sa Barangay LGU.
Bago ang implementasyon ng mga kalsadang ito, nahirapan ang mga residente sa pag-access sa mga serbisyo at sa pagdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan at naapektuhan ang kita ng mga magsasaka at kalidad ng pamumuhay ng komunidad.
Nagpasalamat si Mayor Romeo Tayaban sa DSWD KALAHI-CIDSS para sa tulong na natanggap ng kanilang bayan at hinikayat ang mga residente na pangalagaan ang mga proyektong ito para sa patuloy na benepisyo ng komunidad.
Ipinaliwanag din ni Regional Director Lucia Suyu-Alan na ang layunin ng proyekto ay higit pa sa pagtatayo ng imprastraktura, kundi ang pagpapalakas ng partisipasyon ng mga tao sa proseso ng pagpapatupad, mula sa pagpaplano hanggang sa implementasyon.