DSWD, makikipag-ugnayan na sa mga concern agency para sa imbestigasyon sa pagkakadawit ng kanilang programa upang suportahan ang CHACHA

Makikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development sa mga concern agency para sa ikakasang imbestigasyon sa alegasyon ginagamit ang dalawang programa nila para makakalap ng pirma upang suportahan ang Charter Change.
Kasunod na rin ito ng pagkalat sa social media ng video ng Quezon City Urban Poor Coordinationg Council kung saan makikita na inaalok ng isang babae ang mga residente sa Barangay Old Capitol Site na pirmahan ang isang petisyon kapalit ang financial assistance.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DSWD Spokesperson Romel Lopez na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government upang imbestigahan ang nasabing video at mapanagot ang mga sangkot.

Bukod sa video, una nang inihayag ni Sen. Imee Marcos na aabot sa ₱20 million ang alok kada distrito para isulong ang people’s initiative kung saan limang milyong piso ay magmumula sa ayuda sa Kapos sa Kita Program at Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD pero giit ni Lopez, walang kinalaman ang kanilang programa sa pagsusulong ng CHACHA.
Pagtitiyak ng opisyal, hindi magagamit ang kanilang ahensiya ng mga organisasyon at mga indibidwal para sa kanilang political agenda at binubusising mabuti ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers at AICS.
Facebook Comments