Nilinaw ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinitingnan ng ahensya ang pangkabuuang sitwasyon ng bawat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps upang matukoy at mabigyan ito ng tamang tulong at serbisyo.
Ayon kay 4Ps Social Marketing Division Chief Marie Grace Ponce, kasama sa holistic approach ng 4Ps ay ang pagtingin din na mabigyan ng livelihood ang mga beneficiary.
Paliwanag pa ni Ponce, ang mga 4Ps household na karapat-dapat na maging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD ay inaalalayan na mabigyan ng tulong pangkabuhayan na aagapay sa bawat pamilya upang makaahon sa buhay.
Ang mga serbisyong ibinibigay ng SLP ay mayroong dalawang tracks; ang Micro-Enterprise Development o (MD) na naglalayong bigyan ng tulong ang mga indibidwal na interesado sa pagiging entrepreneur, at ang ikalawang track naman ay naglalayong mabigyan ng trabaho ang nangangailangan sa pamamagitan ng Employment Facilitation (EF).
Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang kasunduan ang DSWD sa ibang mga government agency na magbibigay ng sapat na Technical Education and Skills Development sa 4Ps beneficiaries.