
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng barangay officials na mapapatunayang sangkot sa pagbabawas ng cash aid ng mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na mananagot ang mga ito sa batas.
Kasunod na rin ito ng insidente ng pagbabawas ng cash aid ng mga benepisaryo sa Iloilo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng special fact-finding team ng DSWD na 27 benepisyaryo ng AICS ang nakatanggap lamang ng tig-P2,000 na dapat sanang P10,000 ayuda dahil P8,000 umano ang kinuha ng barangay officials.
Sinabi ni Asst. Secretary for Regional Operations Paul Ledesma, na head ng fact-finding team, hindi isolated ang kasong ito dahil may mga reklamo din ng pagbabawas ayuda sa ilang lugar sa Capiz at kalapit na probinsya.
May ini-report na raw na 13 opisyal mula sa siyam na barangay ang inireklamo sa pagbabawas ng ayuda.
Takot umano ang ilang benepisaryo na magsumbong dahil pinagbabantaan sila ng mga barangay official.
Dahil dito, hinikayat ng DSWD ang lahat ng apektadong benepisyaryo na lumapit at magsumbong sa kanila kaugnay ng naturang kaso.









