DSWD, nagbabala sa publiko laban sa phone call scam

Binalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko laban sa mga indibidwal na nasa likod ng phone call scam.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nakatanggap sila ng mga sumbong na may ilang indibidwal ang tumatawag sa kanila at nagpapakilalang kinatawan ng DSWD.

Hinihingan umano sila ng mga personal information kapalit ng pangakong makakatanggap ang mga ito ng financial assistance.


Nilinaw ng ahensya na hindi nito hinihingi ang mga personal information ng kanilang mga kliyente dahil paglabag ito sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012.

Tiniyak ni Dumlao na tutugisin nila ang mga nasa likod ng scam at papanagutin sa batas.

Dagdag ni Dumlao, ang mga financial assistance, gayundin ang mga ipinamamahaging provision ng food at non-food ay pinangangasiwaan ng Crisis Intervention Unit (CIU) at ang mga CIU clients ay sumasailalim sa assessment para makatanggap ng assistance.

Payo ng DSWD sa publiko na sa sandaling maka-engkwentro ng ganitong insidente, mangyari lamang na iparating sa DSWD Agency Operations Center sa pamamagitan ng 8888 hotline.

Facebook Comments