Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroong nakahandang programa at serbisyo ang ahensya para sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Limay, Bataan.
Sinabi ni Program Management Bureau (PMB) Asst. Director Edwin Morata na lahat ng mangingisda at pamilya nito na naapektuhan ng pagtagas ng langis sa karagatan sa Limay Bataan ay maaaring makapag-avail ng tulong mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) Program.
Subalit ito aniya ay base pa rin sa inisyal na assessment at validation ng social workers.
Nilinaw ng DSWD-PMB assistant director na ang AKAP Program ay nakadisenyo upang alalayan ang mga kababayan nating minimum wage earners at mapigilan na masadlak pa sa kahirapan.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bumuo ng isang inter-agency task force upang mabilis na mabigyan ng tulong ang mga naapektuhan ng oil spill matapos na aksidenteng lumubog ang MT Terra Nova, paga-ari ng Shogun Ships Company, Inc., sa karagatan sa Limay Bataan noong nakaraang July 25.
Ang task force ay pinangungunahan ng Office of the Civil Defense, kasama na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard (PCG), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at DSWD.