DSWD, naghahanda na sa pamamahagi ng SAP sa ‘waitlisted’ beneficiaries

Naghahanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance sa limang milyong left out o waitlisted beneficiaries.

Ayon sa DSWD, pinapabuti rin nila ang protocols at guidelines para sa second phase ng SAP.

Muling nagpaalala ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan na tukuyin ang mga kwalipikadong low-income families na matinding naapektuhan ng community quarantine pero hindi nakasama sa 18 milyong pamilya na benepisyaryo sa unang tranche ng SAP.


Sa ilalim ng guidelines, ang masterlist ng mga benepisyaryo na isusumite ng mga lokal na pamahalaan ay kanilang sertipikado at pirmado ng city/municipal/provincial social welfare and development officer at kanilang local chief executive.

Kasama rin dapat sa listahan ang kanilang social amelioration card identification numbers.

Ang mga masterlist ay dadaan sa regional deduplication para matiyak na walang dobleng maibibigay na emergency subsidy.

Nabatid na nasa 12 milyong pamilya ang inaasahang makakatanggap ng second tranche ng SAP sakop ang Metro Manila, CALABARZON, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu Province, Bacolod City, Davao City, Albay at Zamboanga City.

Facebook Comments