Naglabas ng guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang gagabay sa Anti-Drug Abuse Councils (ADAC) ng mga Local Government Unit (LGU) sa pagpapatupad ng social reintegration program para sa mga Recovering Persons Who Use Drugs (RPWUDs).
Sa ilalim ng DSWD Memorandum Circular No. 33, series of 2020, layon nitong mapagbuti ang paghahatid ng tulong ng mga LGU sa mga nakarekober sa paggamit ng droga sa ilalim ng Yakap Bayan Program.
Ayon sa DSWD, ang memorandum circular ay magbibigay ng kongkretong aksyon sa pagpapatupad ng programa at magsisilbing reference sa DSWD offices, bureaus, services at Field Offices nito sa pagbibigay ng technical assistance, resource augmentation at pagturo ng programa sa mga magpapatupad nito.
Ang Yakap Bayan Progam ay isang holistic intervention para tulungan ang mga dating gumagamit ng droga sa kanilang pagrekober mula sa pagsuko, pagpapagamot o rehabilitasyon, hanggang sa muling makapiling nila ang kanilang pamilya at komunidad.
Sa ilalim ng programa, magkakaroon ng aftercare services, tulad ng relapse prevention sessions, counseling, health at fitness therapy, spiritual interventions, skills training at iba pa.