DSWD, naglabas ng requirements sa pagkuha ng centenarians’ cash gift

Ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga isusumiteng requirements para matanggap ang P100,000 centenarian cash gift alinsunod sa Republic Act (RA) 10868 o Centenarians Act of 2016.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, maaaring ipasa ang baptismal certificate gayundin ang school o employment records na may buwan ng kapanganakan ng centenarian.

Ang mga nasabing dokumento ay isusumite sakaling ang mga pangunahing requirements ay hindi na available o wala ng makitang record nito.


Sakali naman na pumanaw na ang centenarian, sinabi ni Dumlao na maibibigay pa rin naman ang cash gift sa mga anak o sa pinakamalapit na kamag-anak ng matanda.

Dagdag pa ni Dumlao, nakatakda naman pangasiwaan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang nasabing batas kung saan sakop na rin nito ang pagpapatupad ng Expanded Centenarians Act – covering senior citizens na nasa edad mula 80, 85, 90 at 95.

Batay sa RA 10868, ang lahat ng Pilipino na umabot sa 100 years old pataas at nakatira sa Pilipinas o maging sa ibang bansa, ay mabibigyan ng Letter of Felicitation mula sa pangulo ng Pilipinas bilang pagbati sa celebrant at gagawaran ng centenarian gift na nagkakahalaga ng P100,000.

Kailangan lamang magpasa ng mga kaanak ng centenarian ng mga pangunahing dokumento tulad ng birth certificate at Philippine passport kung saan ipapasa ito sa City o Municipal Social Welfare Office o sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng kani-kanilang lugar.

Maaari ring ipakita ang primary Identification Cards mula sa OSCA, Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS); driver’s license; Professional Regulations Commission (PRC) license; at Commission on Elections (COMELEC) Voter’s ID.

Habang, ang mga secondary document ay marriage certificate at birth certificate ng anak ng centenarian.

Facebook Comments