Tuesday, January 27, 2026

DSWD, nagpaabot ng tulong sa mga survivors ng lumubog na Ro-Ro sa Basilan

Nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga survivors ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3.

Matapos ang insidente ng paglubog ng barko kahapon, January 26.

Nakatanggap ng limang libong piso ang mga pasaherong nakaligtas sa trahedya habang sampung libong piso naman sa mga pamilya ng nasawi sa insidente.

Bukod sa financial aid, nagpamahagi rin ang DSWD ng ready-to-eat food packs (RTEF) sa 137 na survivors upang matiyak na may sapat na pagkain ang mga pamilyang pansamantalang nananatili sa Isabela City Port.

Patuloy na naka-heightened alert ang DSWD – Field Office 9 habang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Basilan at sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa masusing monitoring at assessment upang makatiyak na naibibigay ang karagdagang tulong sa mga apektadong indibidwal.

Kaugnay nito, umabot na sa 18 ang bilang ng mga nasawing pasahero dahil sa paglubog ng naturang barko.

Habang nakapagtala naman ang PCG ng 223 na pasaherong nakaligtas sa nangyaring insidente na kasalukuyang nananatili sa naturang pantalan.

Kung saan 23 sa mga ito ay dinala sa Basilan Medical Center para sa makatanggap ng tulong medikal dahil sa mga tinamong pinsala.

Facebook Comments