Tumulak na ang mobile command center ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungong Cagayan Valley.
Ito ay upang magbigay serbisyo sa mga residente sa lugar na nawalan ng power supply at internet connection dulot ng kasalukuyang pananalasa ng Bagyong Nika.
Ayon sa DSWD, maaaring maka-connect sa kanilang wifi at makapag-charge ng mga gadget sa kanilang mobile command center ang sinumang pamilya o indibidwal.
Layon nito ay upang magkaroon ng tuloy-tuloy na communication ang bawat individual sa kanilang pamilya na nasa malayong lugar.
Ito rin ay upang maiwasan ang labis na pag-aalala o hindi kaya ay mabilis na maipapaabot ang kanilang emergency message sa kanilang mahal sa buhay at concerned agency.
Ang mobile command center ng DSWD ay ide-deploy sa Santiago, Isabela ngayong araw.
Batay sa latest report ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), hindi ngayon available ang apat na transmission lines sa Isabela.
Kabilang dito ang Santiago-Cauayan 69kV line, Santiago-Aglipay 69kV Line, Santiago-Alicia 69kV Line, at Santiago-Batal 69kV Line na dahilan upang mawalan ng suplay ng kuryente ang Santiago City, Cauayan City, at ilang bahagi ng probinsya ng Quirino.