DSWD nagtalaga na ng bagong spokesperson

Manila, Philippines – Nagtalaga na ng bagong tagapagsalita ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD upang agad matugunan ang pangangailangan ng publiko at maiwasan na rin ang nangyaring hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina newscaster Erwin Tulfo at Secretary Rolando Bautista.

Sa ginanap na forum sa Manila sinabi ni DSWD Undersecretary for Special Concerns Camilo Gudmalin na itinalaga na ni Bautista si DSWD spokesperson Director Irene  Dumlao upang siyang sasagot sa lahat ng mga isyu na may kinalaman sa usapin ng ahensiya.

Paliwanag ni Gudmalin mahalaga na magkaroon ng tagapagsalita ang DSWD upang huwag maulit muli ang hindi pagkakaunawaan ng media at ng kanilang tanggapan dahil iisa lamang ang kanilang pinaglilingkuran ang taongbayan.


Binibigyang diin pa ng opisyal na napagkasunduan ng kanilang Technical Working Group (TWG) na si Dumlao na ang sasagot ng lahat ng mga ipupukol na katanungan ng media upang hindi malilito pa ang publiko kung sino ang tamang opisyal na kanilang lalapitan sa oras ng pangangailangan.

Umaasa ang DSWD na magkakaroon ng magandang ugnayan sa pagitan ng media at ahensiya upang maiparating kaagad nila ang kanilang mga programa sa mga mahihirap na Pilipino.

Facebook Comments