Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas handa na ito para sa ikalawang bugso ng educational assistance payout sa mga student in crisis bukas, August 27.
Pagtitiyak ng ahensya, mas maayos na sistema na ang ipatutupad sa payout bukas.
Ayon sa DSWD, mayroong higit 200 payout centers ang inihanda nito sa buong bansa.
Para sa National Capital Region (NCR), kabilang sa initial venues ang: Social Welfare and Development for Asia & Pacific sa Taguig; National Vocational Rehab Center sa Quezon City at CIU Office sa Gastambide, Sampaloc Maynila
Sa isinagawang media briefing sa DSWD Central Office, sinabi ni Assistant Secretary Rommel Lopez na naabisuhan na via text confirmation ang mga naunang nakapagparehistro online.
Sa naturang text confirmation, nakasaad na ang oras at venue kung saan magtutungo ang aplikante.
Tanging mga nakatanggap lamang ng text confirmation ang i-a-accommodate sa payout venues bukas at bawal ang walk-ins.
Sa payout venues, inaasahang tatagal ng 10 hanggang 15 minuto ang proseso kabilang ang initial screening sa aplikante, assessment ng DSWD social workers at payout na ibibigay ng paymasters na mula sa DSWD.
Muling nagpaalala ang DSWD sa publiko na huwag nang magbakasali pang mag-walk in dahil hindi sila i-a-accommodate.
Inaasahan ng ahensya na posibleng umabot sa 40,000 mga student in crisis ang mabigyan ng ayuda bukas.