DSWD, nakapaghatid na ng family food packs at financial assistance sa mga apektado ng lindol sa Masbate

Naghatid na ng family food packs at financial assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan na naapektuhan ng magnitude 6.6 na lindol sa Masbate.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, sa tulong ng Philippine Navy, nakapaghatid agad sila ng inisyal na 2,000 family food sa probinsiya.

Namahagi rin ang ahensya ng mga tent at rolyo ng mga laminated sacks sa Cataingan.


Ani Dumlao, makatatanggap ng cash assistance na P3,000 ang bawat pamilya na partially damaged ang mga bahay at P5,000 naman sa totally damaged.

Sa ilalim ng assistance to individuals in crisis situation, pagkakalooban ng P10,000 para sa burial assistance ang mga namatayan at P10,000 na medical assistance para sa mga kasalukuyang ginagamot sa mga ospital.

Sa ngayon, mayroon pang 22,000 na family food packs na naka-prepositioned sa Masbate warehouse.

Naka-standby na rin ang P24.9 million na halaga para sa non-food items at P3 million na laan bilang dagdag na ayuda sa disaster operations.

Tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnaan ng DSWD sa provincial government ng Masbate sakaling kailanganin pa nila ng technical assistance o resource augmentation.

Facebook Comments