DSWD, nakapagpalabas ng higit ₱1.2 billion sa disaster response nito ngayong taon

Inihayag ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, mahigit na sa ₱1.2 billion ang nagamit na pondo ng ahensiya sa pagtugon sa mga nagdaang kalamidad sa bansa.

Nakapagbigay rin ito ng kabuuang 861,490 family food packs at ₱841.9 million halaga ng non-food items para sa disaster operations ng mga Local Government Units (LGUs).

Sa mga serye ng bagyo na pumasok ngayong huling quarter ng taon, nakapag-palabas pa ng ₱6.4 million pondo ang DSWD sa mga sinalanta ni Bagyong Quinta at mahigit ₱74.1 million naman sa mga lugar na tinamaan ni Bagyong Rolly.


Karagdagan pa dito ang ₱159.8 million halaga ng ayuda na ipinamahagi sa mga pamilyang sinalanta ni Bagyong Ulysses sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Metro Manila.

Samantala, nagpatupad din ang ahensiya ng cash-for-work at emergency shelter assistance sa may 10,032 pamilyang nawalan ng tahanan sa Albay at Catanduanes.

Bilang bahagi ng Climate Change Adaptation and Mitigation effort ng DSWD, may 276, 575 pamilya rin sa buong bansa ang binigyan ng cash- for-work.

Facebook Comments