Target matapos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program tranche 2 bago matapos ang buwan ng Oktubre 2020.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DSWD Undersecretary Glen Paje, sa ngayon ay nakapamahagi na sila ng lima hanggang walong libong tulong pinansyal sa 13.9M na mga benepisyaryo o ₱83.5B mula sa kabuuang 14.1M mga benepisyaryo.
Ayon pa kay Paje, nagiging problema sa ngayon sa pamamahagi ng ayuda ay ang duplication, mali-maling impormasyon na inilagay ng mga benepisyaryo tulad ng hindi tamang cellphone numbers gayundin ang mga lugar na isolated o malayo sa kabihasnan.
Pero sa ngayon, nasa 98% na aniya ang kanilang accomplishment rate at umaasang matatapos bago sumapit ang Nobyembre 2020.
Pinaghahandaan na rin aniya nila ngayon ang mga programa at magiging implementasyon nito sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.