DSWD, nakapamahagi na ng higit P81 billion na SAP 2 aid sa 13.5 million beneficiaries

Umabot na sa higit ₱81 billion ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na emergency cash subsidy sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nasa 13,555,555 SAP 2 beneficiaries ang nakatanggap na ng kanilang cash aid.

Katumbas nito ang 95% ng target beneficiaries ng SAP 2.


Iginiit ni Bautista na kailangang hintayin ng mga Local Government Unit (LGU) ang pagpasa ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 para direktang manggaling sa kanila ang distribusyon ng SAP aid at hindi na dumadaan sa DSWD.

Pagtitiyak ng kalihim na patuloy silang susunod sa ilalim ng batas.

Paglilinaw rin ni Bautista na hindi lahat ng tumanggap ng SAP sa unang tranche ay makatatanggap ng financial assistance sa ilalim ng second tranche.

Ang SAP 2 beneficiaries ay dumaan sa validation at deduplication processes para matiyak na tanging mga kwalipikadong benepisyaryo ang makatatanggap ng ayuda.

Nagbabala ang DSWD sa mga benepisyaryo na huwag ibigay ang Personal Identification Numbers (PIN) at reference numbers sa mga hindi kakilala para maiwasang mabiktima ng scammers.

Facebook Comments