
Inatasan na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang kanyang mga opisyal na makipag-ugnayan sa Antipolo City Local Government Unit para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa grupo ng kalalakihan na pinagkakatuwaan ang isang babaeng Senior Citizen na mayroong kapansanan na nag-viral sa social media sa Barangay Dela Paz in Antipolo City, Rizal.
Ayon kay Secretary Gatchalian, nakipagtulungan na ang ahensiya sa mga personnel ng Antipolo City LGU upang magsampa ng kaso laban sa apat na mga kalalakihan na pinagkakatuwaan ang isang senior citizen na person with disability kung saan isang umanong makahayop na gawain na dapat sampahan ng kaukulang kaso ang responsable rito.
Inatasan na rin ni Secretary Gatchalian si Assistant Secretary Irene Dumlao na magpadala ng DSWD team upang tulungan ang babaeng senior citizen na mayroon pang kapansanan na hinahamak at pinagkakatuwaan ng mga kalalakihan.
Giit naman ni Asst. Secretary Dumlao, ang apat na mga kalalakihan na manghamak sa isang babaeng senior citizen na may kapansanan pa ay mahaharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act 9442, an act amending RA 7277, o mas kilala sa “Magna Carta for Disabled Persons.”
Ang mga mga nakatatanda at mayroon pang mga kapansanan ay dapat na respetuhin at bigyan ng pagkalinga na nararapat para sa kanilang pamilya at komunidad.
Sa ilalim ng RA 9442, ang sinuman na lumabag dito ay pagmumultahin ng hindi bababa ng ₱50,000 o pagkakulong ng hindi lalampas anim na buwan para sa unang paglabag at multa na hindi bababa sa ₱100,000.00 pero hindi lalampas sa ₱200,000.00 o pagkakulong na hindi bababa sa 2 taon pero hindi naman lalampas sa anim na taon o pareho depende sa pananaw ng Korte.