Patuloy pa rin ang pamamahagi ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng mga pagbahang dulot ng Low Pressure Area (LPA).
Kabilang sa mga ipinamahagi ay food at non-food items, maging ang financial assistance sa mga residenteng binaha sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Aabot sa 153 na pamilyang nasira ang tahanan ang nakatanggap ng financial assistance na nagkakahalaga ng P10,000, habang 180 pamilya naman ng partially damaged houses ang pinagkalooban rin ng P5,000 ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sa kabuuan, aabot na sa P66.8 milyon ang halaga ng ayudang naipamahagi ng DSWD sa mga LGU na apektado ng LPA sa Mindanao at Northeast Monsoon sa Luzon at Visayas.