Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga local chief executives na isyuhan ng ID ang mga solo parent kahit hindi sila ang ibinoto sa nagdaang halalan.
Sa ceremonial signing ng Implementing Rules and Regulations ng Expanded Solo Parents Welfare Act, nanawagan si DSWD Secretary Erwin Tulfo sa Local Government Units (LGUs) na isyuhan ng ID ang mga certified solo parent sa kanilang lugar kahit hindi sila ang ibinoto nito.
Sinabi rin niya na hindi lamang ang mga iniwan ng asawa, nahiwalay sa asawa ang makikinabang sa programa kundi ang mga nag-aalaga rin ng mga bata at nagtataguyod sa mga bata tulad ng mga tiyahin o lolo at lola ay solo parent din na maaaring mabenepisyuhan ng mga programa ng pamahalaan para sa mga ito.
Sa ilalim aniya ng Expanded Solo Parent Act ay mas mapapalawak ang benepisyo ng mga solo parent maging ang pagkakaloob sa mga ito ng discount sa pagbili ng pagkain at iba pa.
Aniya, may ₱3.1 bilyon na mailalaan ang DSWD para sa mga programa sa solo parent.
Priority rin umano sa pagkakaloob ng ayuda ang mga 4Ps na solo parent.
Binalaan din ni Secretary Tulfo ang mga magsasamantala at mang-aabuso sa pagkuha ng benepisyo ng mga solo parent dahil may katapat ito na multa at parusang kulong kapag napatunayang nagkasala sa batas.
Niliwanag din nito na ang mga solo parent ay dapat na may minimum o mas mababa ang sahod hindi kasama ang mga solo parent na malalaki ang sahod o nakaka-angat sa buhay.