DSWD, nasa proseso na ng paglilipat ng tungkulin sa NCSC sa usaping may kaugnayan sa mga nakatatanda

Isinasagawa na ang transition sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Ito ay may kaugnay sa paglilipat ng functions o tungkulin na may kinalaman sa usapin ng mga nakatatanda o senior citizens.

Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na tuloy-tuloy na ang pagpupulong ng mga opisyal ng NCSC na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano.


Maliban sa administrative functions, kasama rin aniya sa pinag-uusapan ang pondo at lawak ng trabaho ng nasabing ahensya.

Sa ngayon, ayon sa kalihim ay kinukumpleto pa ng NCSC ang kailangang mga tao sa kanilang opisina.

Ang NCSC na nasa ilalim ng Office of the President na itinatag sa ilalim ng nakaraang administrasyon ay para magbigay serbisyo sa mga senior citizen.

Ilan sa tungkulin na gagampanan ng ahensyang ito ay ang pamimigay ng social pension sa mga mahihirap na lolo’t lola.

Facebook Comments