Sinita ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilang sumbong na hindi pagbibigay ng maayos na serbisyo.
Unang ipinunto ng senador ang anya’y pagtataboy sa ilang indigents na nais lamang humingi ng financial assistance mula sa ahensya.
Paalala ni Go sa DSWD, P16 billion ang pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) fund ngayong taon at nasa P4.3 billion pa ang hindi nagagamit.
Hindi aniya nararapat na hindi pagkalooban ng tulong ang mga validated indigents kasabay ng panawagan na huwag silang pahirapang makakuha ng ayuda.
Nabahala rin si Go sa mga impormasyon na sa 159 Malasakit centers sa buong bansa, 13 pa ang walang DSWD representatives dahil sa kakapusan ng social worker.
Sinabi ni Go na batas na ang Malasakit center at dapat tugunan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga alituntunin nito.