Natuklasan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halos 676,000 individuals na tumanggap ng cash assistance mula sa higit sa isang government agency.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, aabot sa 675,933 ang duplicate beneficiaries dahil doble ang natanggap nilang ayuda.
Bukod dito, nasa higit 239,859 ang ineligible o hindi kwalipikadong tumanggap ng ayuda.
Iginiit ni Bautista, na ang mga Local Government Units (LGU) na nagbigay ng ayuda sa mga ineligible beneficiaries ay kailangang bawiin ito at dapat maisauli sa ahensya batay na rin sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA).
Ang mga sobrang grants na natanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay awtomatikong ibabawas sa kanilang mga susunod na cash grants hanggang sa mabawi o ma-refund ang kabuuang halaga.
Sinabi rin ni Bautista na posibleng palawigin ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP) hanggang sa unang dalawang linggo ng Agosto kapag hindi nila naabot ang deadline ng digital at manual payout sa July 31.
Sa huling datos ng DSWD, aabot sa 42.8 billion pesos na halaga ng emergency cash aid ang naipamahagi sa 6,590,966 families sa ilalim ng SAP 2.
Samantala, aprubado na sa ikatlo’t huling pagbasa sa Senado ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 matapos itong ipanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).