Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay dinesenyo para sa mga kapuspalad o nabibilang sa “near poor” upang mabigyan sila ng agarang tulong at suportang pinansyal.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kabilang sa maituturing na nasa “near poor” segment ay ang minimum wage earners na vulnerable sa pagtaas ng mga bilihin na mas lalo pang maglulugmok sa kanila sa kahirapan.
Gayunman maituturing pa ring nasa “near poor” category ang beneficiaries na naka-graduate na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kaya’t ang mga ito ay kailangan pa rin alalayan at ibilang sa AKAP program upang iiwas sila sa kahirapan at mapabilang sa below poverty line.
Ayon pa kay Secretary Gatchalian, wala pang nagagalaw sa budget na inilagak sa AKAP batay sa nakasaad sa 2024 GAA, kung saan patuloy pa ang ginagawang guidelines dito upang makatiyak na ma-implement ang programa ng maayos batay na rin sa mandato ng ahensya.