
Hindi kailangang rehistrado sa Philippine Identification System o PhilSys para kumpletong makuha ang cash grant ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay DSWD 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya, hindi totoo ang mga kumakalat na balitang babawasan ang ayuda ng mga miyembro ng 4Ps kapag hind sila rehistrado sa PhilSys.
Sa katunayan, tinutulungan nila ang lahat ng kanilang benepisaryo na magkaroon ng ID.
Ito ay sa pamamagitan ng partnership ngayon nila sa Philippine Statistics Authority o PSA.
Paliwanag ni Gabuya, mababawasan lamang ang ayuda ng mga miyembro kapag hindi sila nakasunod sa mga kondisyon ng programa o kung hindi sila nakapag-update ng kanilang beneficiary profiles sa kanilang mga city o municipal links.
Hinimok din ng opisyal ang mga miyembro ng 4Ps na magparehistro sa national ID system para mas madali silang maka-avail ng benepisyo gamit ang national identification card.









