Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang backlog ang ahensya sa pamamahagi ng P500 monthly social pension para sa mga mahihirap na senior citizens.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na nasa mahigit 4.1 milyong indigent seniors ang “on time” na nabayaran ng social pension.
Aabot sa 466,000 indigent senior citizens ang nasa waitlist dahil nangangailangan ng karagdagang pondo bago maisama sa programa.
Ani Lopez, posibleng ang tinutukoy na backlog ni Senator Sonny Angara sa kanyang budget hearing ay ang 466,000 waitlisted senior citizens na hindi pa sakop ng programa.
Sa ngayon aniya, ang pondong nakalaan para sa social pension program ngayong 2023 ay para lamang sa mahigit 4.1 million senior citizens na tumatanggap ng P500 monthly na kabayaran.
Sa bilang na ito, nasa 93,000 senior citizens lamang ang tinanggal sa listahan dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagkamatay ng benepisyaryo.