DSWD, patuloy sa monitoring sa mga evacuation center sa Cagayan dahil sa epekto ng Bagyong Nando

Patuloy ang monitoring ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga evacuation centers sa Pamplona at Gonzaga, Cagayan sa harap ng epekto ng Super Typhoon Nando.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ang field office nito ng profiling ng mga apektadong pamilya sa tulong ng Family Assistance Card for Emergencies and Disaster (FACED).

Layon nito na mabilis na matukoy at mabigyan ng pangunahing pangangailangan, gaya ng pagkain, tubig, at iba pang kagamitan ang mga internally displaced persons.

Tiniyak ng ahensiya na may sapat na Food and Non-Food Items (FNFIs) na nakaimbak sa mga regional warehouse sa Camalaniugan, Abulug, at Tuguegarao City sa Cagayan, gayundin sa City of Ilagan at Santiago City sa Isabela.

Nai-preposition na rin nang mas maaga ang mga Food and Non-Food Items (FNFIs) sa mga piling local government unit upang agad itong maipamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.

Sa kasalukuyan, may kabuuang ₱151.7 milyong halaga ng standby funds at stockpile ang rehiyon.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tiyaking walang pamilyang Pilipino ang magugutom sa panahon ng kalamidad.

Facebook Comments