DSWD, pinaghahanda ng food packs na tatagal ng 45 hanggang 90 araw para sa mga ililikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon

Hiniling ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na maghanda ng food packs na tatagal ng 45 hanggang 90 araw.

Ayon kay Salceda, para ito sa mga ililikas mula sa limang munisipalidad na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Paliwanag ni Salceda, base sa kasaysayan ay tumatagal ng 47 hanggang 90 araw ang pamamalagi sa evacuation centers ng mga naaapektuhan sa tuwing nag-aalburuto ang Bulkang Mayon.


Binanggit ni Salceda na aabot sa 147,435 food packs ang kakailanganin para sa 45-day scenario at 294,870 food packs naman para sa 90-day scenario.

Nagpapasalamat naman si Salceda sa DSWD dahil agad na itong nakapagpadala ng pagkain para sa 9,829 pamilya na inilikas mula sa paligid ng Mayon Volcano sa mga munisipalidad ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Santo Domingo at Malilipot.

Nakikipag-ugnayan na rin si Salceda sa DSWD Regional Field Office V at ibang ahensya para sa pagbibigay ng dagdag na pagkain at iba pang non-food items na tutugon sa hygiene and sanitation need ng mga evacuees.

Facebook Comments