Cauayan City – Nakaantabay na ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 sa posibleng maging epekto ng pananalasa ni Bagyong Kristine sa buong lambak ng Cagayan.
Simula kagabi, ika-22 ng Oktubre ay inalerto na ang kanilang Quick Response Team ng kanilang tanggapan katuwang ang City at Municipal Action Teams at Social Welfare and Development Offices sa buong rehiyon dos.
Prayoridad ng ahensya na makapaghatid ng agarang tulong sa mga pamilya na posibleng maapektuhan ng bagyo kaya naman puspusan na ngayon ang kanilang pakikipag-ugnayan nila sa mga LGU’s para sa panamahagi ng relief goods.
Samantala, sinisiguro naman ng DSWD Field Office 2 na sapat ang suplay ng food and non-food items na nasa kanilang tanggapan at agad na matutugunan ang pangangailangan ng mga maapektuhang pamilya.