DSWD, pinasisiguro na ang seguridad sa evacuation centers sa mga lugar na daraanan ng Bagyong Odette

Pinatitiyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang field offices na gawing ligtas ang evacuation sites sa mga lugar na tatamaan ng Bagyong Odette.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, dahil sa may kalakasan ang bagyo, mahalagang siguraduhin ang mga paghahanda partikular ang pagtiyak na typhoon proof ang evacuation centers.

Nagpaala si Dumlao na maging ang family food packs ay dapat nakaposisyon sa mga ligtas na lugar at dapat madaliang maihatid sa evacuation centers.


Muli namang tiniyak ni Dumlao na sapat ang kanilang reserbang ayuda para sa mga posibleng maapektuhan ng Bagyong Odette.

Nag-deploy na rin ng karagdagang volunteers ang DSWD Eastern Visayas para sa paghahanda ng ipapaabot na ayuda.

Tumutulong na rin ang mga volunteer ng Philippine National Police o PNP-Region 8 para maihatid ang mga sako-sakong bigas na mula sa National Food Authority (NFA) patungo sa mga relief distribution centers.

Facebook Comments