Ginisa ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa joint hearing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts dahil sa palpak na implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP).
Kabilang aniya sa mga naranasang problema sa SAP ang pagpasa-pasa ng gawain, mahabang proseso sa pagkuha ng ayuda na umabot sa 30 steps, kulang at mabagal na pagbibigay ng forms, pag-doble ng listahan ng beneficiaries, kalituhan sa pagitan ng Local Government Units (LGUs) at mga barangay, kawalan ng maayos na komunikasyon sa distribusyon at ilang napaulat na korapsyon.
Giit ni Cayetano, mabilis lamang dapat ang pagpoproseso ng mga benepisyaryo at pamamahagi ng SAP na aabutin lang ng isang linggo.
Pero dahil sa mahaba at mahirap na proseso na inilatag ng DSWD ay umabot ng 2 hanggang 3 linggo ang distribusyon ng SAP.
Nagtataka si Cayetano dahil noong una ay maganda naman ang koordinasyon ng Kongreso at DSWD kaya mabilis na ipinasa ng kapulungan ang Bayanihan to Heal as One Act at ginawa din nilang mga mambabatas ang mga amendments na kinakailangan para mapabilis ang pamamahagi ng tulong.
Sinabi ni Cayetano na matapos ang Marso at simula ng Abril ay wala nang maaayos na koordinasyon ang ahensya at sa halip ay nagsarili ang DSWD at mas nakinig ang mga ito sa mga regional director.
Binalewala umano ng DSWD ang payo ng Kamara na nagresulta sa pagka-delay ng SAP ng dalawang linggo at lalong nagpahirap sa mga kabilang sa 4Ps.
Mismong si Cayetano rin ay nakaranas ng pabalik-balik at kawalan ng koordinasyon ng DSWD sa kanyang distrito sa Taguig-Pateros matapos na isang linggo ay pinatawag ng pinatawag ang kanyang chief of staff para lamang humingi ng kopya ng guidelines para sa SAP distribution.