DSWD R02, TINIYAK ANG PAGTULONG SA MGA PAMILYANG NAAPEKTUHAN NG BAGYONG GENER

CAUAYAN CITY – Patuloy ang ginagawang pagsusuri ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development Region 02 sa mga pamilyang nasalanta ng nagdaang Bagyong Gener.

Batay sa pinakahuling tala ng ahensya, 375 family food packs na nagkakahalaga ng P255,805.61 ang naipamahagi ng ahensya sa mga natukoy na apektadong pamilya sa iba’t ibang lugar sa Cagayan Valley.

Sa nabanggit na bilang, 300 sa mga ito ay ipinamahagi sa Bambang, habang 15 naman sa Ambaguio.


Bukod pa rito, nagbigay din ng tulong ang Kagawaran sa apat na pamilya sa Sto. Niño, habang walong pamilya naman sa Palanan, at 48 na pamilya naman sa Cabarroguis.

Ang mga binigyan ng tulong ay mga pamilya na pangunahing naapektuhan ng pananalasa ng mga nakaraang sama ng panahon kabilang na ang Habagat, Bagyong Ferdie, at Bagyong Gener.

Facebook Comments