Inaasahang ilalabas na sa katapusan ng Setyembre ang resulta ng re-assessment para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na may 700,000 na pamilya ang ni-reassessed upang makita kung kwalipikado pa rin ang mga ito na maging benepisyaryo ng 4Ps.
Ayon kay Gatchalian, nais lang nilang matiyak na nasasala ng maayos ang magiging pinal na listahan ng 4Ps.
Aniya, tiyak naman na maipamamahagi kaagad ang mga benepisyo sa pamamagitan ng cash card.
Matatandaang nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa DSWD na ituloy ang pag-calibrate sa 4Ps at pagbuo ng iba pang social protection initiatives ng gobyerno.
Bukod dito, nais din ng pangulo na paigtingin ang Social Pension Program para sa Indigent Senior Citizens bilang paraan para malaman ang kanilang pangangailangan at medical needs.