DSWD sa Davao Region, nakaalerto na matapos ang pagtama ng magnitude 6.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental

Patuloy na nakaalerto at nagmo-monitor ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI – Davao Region sa naging epekto ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa Manay, Davao Oriental kahapon.

Pansamantalang nag-standby ang kanilang operasyon matapos lumikas ang mga personnel mula sa tanggapan bilang bahagi ng safety precautions.

Sa kabila nito, tiniyak ng DSWD FO XI na magsasagawa sila ng rapid damage and needs assessment (RDNA) sa mga apektadong lugar.

Ayon kay DSWD Spokesperson at Assistant Secretary Irene Dumlao, nakahanda ang ahensya at ang mga regional offices nito na tumugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

Mayroon aniyang 50,630 family food packs na nakahanda ang DSWD FO XI, gayundin ang mahigit ₱1.2 milyon na standby funds para sa mga residenteng naapektuhan ng lindol.

Nakahanda rin para sa deployment ang mga social protection assets ng ahensya, kabilang ang mobile kitchens, mobile command center, at mobile water system, sakaling kailanganin.

Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies upang matukoy ang karagdagang tulong na kinakailangan sa mga apektadong lugar.

Pinapaalalahanan naman ng DSWD ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumubaybay lamang sa mga opisyal na abiso mula sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang monitoring.

Facebook Comments