DSWD Sec. Rex Gatchalian, pinabulaanan ang akusasyon ni VP Sara Duterte na tinatanggihan nila ang panghihingi ng tulong ng OVP

Pinasinungalingan ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Rex Gatchalian ang naunang akusasyon ni Vice President Sara Duterte na tinatanggihan ng ahensya ang mga hiling na tulong mula sa tanggapan ng ikalawang pangulo.

Sa budget hearing ng DSWD sa Senado, iginiit ni Gatchalian na hindi nila tinanggihan ang anumang referral o request na tulong ng OVP para sa pagbibigay ng ayuda.

Sinabi ng kalihim na mapapatunayan niya ito sa palitan ng text messages ng isang Director Norman mula sa Office of the Vice President at ni DSWD Assistant Secretary Ulysses Aguilar na siyang kapalitan ng mensahe.


Batay sa text message, nagpasalamat ang OVP sa DSWD dahil na-accommodate ang kanilang mga referral.

Bukod dito, binigyan pa sila ng OVP ng plaque bilang parangal sa DSWD na katuwang ng bise presidente sa pagbibigay-tulong.

Matatandaang sa budget hearing ng OVP noong Agosto ay nakwestyon ni Senator Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte dahil sa panghihingi nito ng malaking pondo para sa pang-ayuda.

Katwiran ni Duterte nanghihingi siya ng pondo para may maibigay sa mga lumalapit sa kanyang tanggapan para sa medical, burial at educational assistance dahil tinatanggihan sila ng DSWD.

Facebook Comments