Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na hindi dapat nagre-recruit ang mga barangay ng kanilang mga residente para mapasama sa pamimigay ng ayuda mula sa ahensya.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag kasunod ng pagkakatimbog ng isang nagpapanggap na tauhan ng DSWD na nanghihingi ng pera kapalit ng pangako na maisasama sa listahan ng mga mabibigyan ng ayuda.
Aniya, dapat ay i-turn over nila sa kagawaran ang mga lumalapit sa barangay at dapat sila ang magproseso.
Giit ng kalihim, tanging ang mga tauhan ng DSWD ang may kapahintulutang magproseso ng mapapasama sa listahan.
Nagbanta ang DSWD chief sa fixers sa labas ng kagawaran na huhulihin sila kapag nang-i-scam ng mga nanghihingi ng tulong.
Payo ng kalihim sa publiko, huwag magbibigay ng anuman sa mga taong nag-aalok ng tulong na maisama sa ayuda ng DSWD.