Inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng mga regional director nito na paghandaan ang magiging epekto ng Bagyong Egay na posibleng maging isang Super Typhoon sa Lunes.
Partikular na iniutos ni Gatchalian ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng DSWD regional field offices sa mga Local Government Unit (LGU) para sa paghahanda ng provision ng relief goods.
Batay sa datos ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) report, naka-preposition na ang mahigit 1.14 million family food packs (FFPs) at aabot sa ₱1.12 billion na halaga ng non-food at iba pang food items.
May kabuuang ₱1.73 million ang standby funds na available sa DSWD Central Office at sa mga field office.