Matapos magreklamo kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers dahil hindi sila naabutan ng financial assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makatatanggap ng SAP fund ang lahat ng qualified Transport Network Vehicle Service (TNVS) at Public Utility Vehicle drivers na nasa listahan na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Para maiwasan ang anumang duplication sa ibibigay na tulong, isinasailalim muna sa validation at name-matching process ang listahan.
Paliwanag pa ng DSWD, lahat ng drivers na hindi napasama sa listahan pero karapat-dapat na mabigyan ng tulong ay kasama sa SAP waitlisted beneficiaries.
Sa ngayon, may ₱323.3 million na pondo sa Landbank branches sa Metro Manila na magagamit na subsidies para sa 40,418 drivers ng TNVS at PUVs.
Base sa datos, may 24,067 driver-beneficiaries mula sa National Capital Region (NCR) ang nakakuha na ng cash aid.
Nasa, 21,610 motorcycle taxi drivers at 36,104 PUV drivers ang nakatanggap din sa pamamagitan ng GCash transfer.
Karagdagan pa ang 88,808 non-LTFRB certified drivers sa NCR na nag-benepisyo ng bigay na tulong.
Bukod sa NCR, nabigyan na rin ng SAP assistance ang 1,088 waitlisted drivers sa Region 5; 16,908 sa Region 6; 11,017 sa Region 7; 12,459 sa Region 11; at 5,400 sa Cordillera Administrative Region.