DSWD, sisikaping maihatid ang mga relief supplies sa mga residente na apektado ng lindol sa Makilala, N.Cotabato

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na makakarating ang mga relief supplies sa mga residente ng Makilala, North Cotabato na naapektuhan ng sunod sunod na lindol sa ilang lugar sa Mindanao.

 

Isa ang municipalidad ng Makilala sa hirap na marating na lugar na tinamaan ng lindol dulot ng mga nangyaring pagguho ng lupa.

 

Abot sa 20,704 na pamilya o katumbas ng 103,520 katao mula sa 38 barangays ng Makilala ang lubhang nangangailangan ng relief assistance.


 

Halos 20,000 na kabahayan ang napinsala sa Makilala dulot ng lindol.

 

Iniulat  ng DSWD Field Office XII na napagkalooban na rin ng relief assistance ang mga napaulat na namamalimos na residente sa gilid  ng highway sa barangay ng Malasila, Kisante, at Old Bulatokan.

 

Kahit ang Barangay Luayon na hirap marating dahil sa  landslide ay nabigyan na rin ng  relief assistance na ibinagsak ng Philippine Air Force.

 

Abot sa P1.4 million na halaga ng assistance ang naipalabas na ng DSWD para sa ayuda sa mga apektado ng lindol.

Facebook Comments