Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglipat ng resources kabilang ang ilang pondo at mga tauhan sa isinusulong na Department of Disaster Resilience (DDR).
Nabatid na ang panukalang magtatatag ng nasabing ahensya o ang House Bill No. 5989 ay nakalusot na sa pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan noong September 22.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, buo ang kanilang suporta sa pagbuo ng DDR.
“Bilang pangunahing ahensya sa kagalingang panlipunan, ang DSWD po ay sinusuportahan ang pagtatag ng Department ng Disaster Resilience. Handa ang DSWD na ilipat kung sakali ang lahat ng resources ng ahensya hinggil sa disaster response and management kabilang na ang pondo, gamit, makinarya, at maging ang mga kaukulang kawani sa mabubuong bagong DDR,” ani Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, hindi sila kokontra na ilipat sa bagong ahensya ang Disaster Response Management Bureau at National Response and Logistics Management Bureau kasama ang mga kawani nito alinsunod sa mga patakaran at panuntunan ng Civil Service.
Naniniwala si Bautista na makatutulong ang paglikha ng DDR sa mandato ng DSWD sa ilalim ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 sa pamamagitan ng pagkakaroon ng regional disaster resilience offices at response hubs.
“Naniniwala ang ahensya na matutulungan itong matupad ang mandato ng DSWD sa ilalim ng Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 sa pamamagitan ng pagkakaroon ng regional disaster resilience offices at response hubs na nakalaan sa implementasyon ng mandatory disaster preparedness and response management programs at magmanage ng disaster quick response funds para agarang makaresponde sa nangangailangang mga pamilya at indibidwal na apektado ng kalamidad,” sabi ni Bautista.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang DDR ang mangangasiwa sa national efforts para mabawasan ang mga banta ng kalamidad at sakuna at mangunguna sa pagtugon at rehabilitasyon.
Ang DDR na rin ang magrerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte sa deklarasyon ng state of calamity sakaling magkaroon ng pambihirang kalamidad na tumama.