Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tuloy pa rin ang pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) kahit mapapaso na ngayong araw ang Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay DSWD Usec. Danilo Pamonag, nasa 1.3 milyong 4Ps beneficiaries na cash card holder ang nabigyan na ng ikalawang ayuda na nagkakahalaga ng P6.7 billion.
Habang nasimulan na rin ang pamimigay ng cash assistance sa mga waitlisted families na hindi nakasama sa unang ayuda.
Sabi pa ni Pamonag, natapos na ang implementasyon ng unang tranche ng SAP na nagkakahalaga ng mahigit P99.8 billion.
Kasabay nito, tiniyak ng DSWD na pinaigting pa nila ang validation at deduplication process para matiyak na walang madodobleng cash aid sa ikalawang bahagi ng SAP.