Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may mga hamon sa pamamahagi ng second tranche ng emergency cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Partikular ang pagpapapalit mula manual patungong digital payout.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, ginagawa na nila ang lahat ng paraan para matiyak na ang digital at manual distribution ng cash subsidy sa 17 milyong benepisyaryo, kabilang ang mga ‘waitlisted’ recipients ay makukumpleto sa July 31.
Ang SAP 2 payout sa geographically isolated at disadvantaged areas, maging sa conflict-affected areas ay tiniyak na matatapos hindi lalagpas sa August 15.
Iginiit ni Bautista na ang pag-adopt ng DSWD sa bagong innovation ay hindi madali.
Umapela ang kalihim sa publiko na patuloy na magtiwala sa pamahalaan sa gitna ng mabagal na distribusyon ng SAP.
Sa ilalim ng second tranche, ang DSWD ang nangunguna sa pamamahagi ng ayuda sa tulong ng financial service providers.
Sa huling datos ng DSWD, nakapamahagi na ang ahensya ng ₱24.4 billion na halaga ng emergency cash aid sa 3.5 million na pamilya o 20.5% ng 17 million target beneficiaries.