Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat pang pondo at relief supplies para sa mga pangangailangan ng mga sinalanta ng Bagyong Vicky.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, mahigit pa sa ₱779 million ang standby funds at stockpiles ng ahensiya para sa augmentation support sa mga Local Government Unit (LGU).
Higit ₱182 million mula dito ay available standby funds sa central office at DSWD field offices bukod pa sa mahigit 229 libong family food packs na nakahanda sa mga strategic areas sa buong bansa.
Base sa datos ng DSWD, abot na sa 8,637 families o 34,861 individuals ang naapektuhan ng Bagyong Vicky mula sa 140 barangay sa CARAGA Region.
May 387 ding pamilya ang inilikas sa Alcala, Gattaran, Enrile, Amurong at Tuguegarao City sa Cagayan, 277 pamilya mula sa Isabela at apat sa Quirino Province.