DSWD, tiniyak na paghuhusayin pa ang kanilang serbisyo kasunod ng mataas na approval rating

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paghuhusayin pa nila ang kanilang serbisyo lalo na sa paghahatid ng social protection services sa publiko.

Ito ang pahayag ng kagawaran kasunod ng resulta ng Ulat ng Bayan Nationwide Survey ng Pulse Asia kung saan nakakuha ang DSWD ng 77% approval rating.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nagpapasalamat sila sa patuloy na pagtitiwala ng publko sa pagganap ng kanilang mandato na makatulong sa mga mahihirap at bulnerableng sektor ng lipunan.


Sinabi ni Dumlao na gagamitin nila ang survey bilang motibasyon para pag-igihin ang paghahatid ng serbisyo sa mga kababayan.

Lumalabas din sa survey na isinagawa mula September 14 hanggang 20, 2020 gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 respondents na nakakuha si DSWD Secretary Rolando Bautista ng 63% na nationwide approval rating.

Una nang sinabi ng ahensya na pinagkakatiwalaan sila ng publiko sa paghahatid ng maagap at mahusay na social protection programs sa gitna ng COVID-19 pandemic kabilang ang Social Amelioration Program (SAP).

Facebook Comments