Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na ang second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ay uumpisahan sa lalong madaling panahon.
Kaya umaapela si DSWD Undersecretary Rene Glen Paje sa publiko ng pang-unawa lalo na at inihahanda pa lamang ang second wave ng cash subsidies.
Ayon kay Paje, kailangang maisumite ng mga Local Government Units (LGUs) ang kanilang liquidation reports, partikular ang encoded list ng SAP beneficiaries.
Bukod dito, hinihintay din ng DSWD ang direktiba o kautusan mula sa Office of the President na magsisilbing basehan para sa pagpapatupad ng second tranche.
Masusi aniyang binubusisi ang kautusan upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng SAP.
Ang second tranche ng SAP distribution ay ibabatay sa listahan ng mga “left out” o mga kwalipikadong benepisyaryo na hindi nakasama sa unang wave ng pamimigay ng ayuda.
Una nang sinabi ng Malacañang na nasa limang milyong benepisyaryo ang madadagdag sa listahan ng mga makakatanggap ng ayuda sa second tranche.